Thursday, August 14, 2008

HINGGIL SA KOMUNISMO



Volume II Series 1 Newsletter Date: August 14, 2008


MGA DAPAT MABATID NG MAMAMAYAN


Noong Disyembre 26, 1968, itinatag ng ilang aktibista sa pamumuno ni Jose Maria Sison, Alias Amado Guerrero at Armando Liwanag, ang Communist Party of the Philippines (CPP). Kinopya lamang nito ang mga istilo at programa ng komunistang rebolusyon sa Tsina ni Mao Ze Dong nuong 1930’s at 1940s. Iniidolo nito ang mga kaisipan at pagsusuri nina Karl Marx at Lenin na batay sa madugong paraan ng pag-agaw ng lapangyarihang estado.

Ang unang programa ng CPP ay ang pambansang demokratikong rebolusyon. Layunin nito ang pambansang pagpapalaya mula sa imperyalismo at piyudalismo. Ang ikalawang yugto naman ay ang paglalatag ng sosyalistang lipunan sa Pilipinas.

Tatlo ang sandata ng rebolusyon. Una, ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP o CPP). Ikalawa, ang Bagong Hukbong Bayan (BHB o NPA). At ikatlo ang Pambansang Demokratikong Prente o NDF. Ang Partido ang namumunong organo o utak ng rebolusyon. Ang NPA naman ang espada o kamay na bakal upang labanan at wasakin ang armadong lakas ng pamahalaan. Nagsisilbing kalasag ang NDF upang organisahin ang pinakamalawak na alyansa ng mamamayan para sa rebolusyon.

Panis na ang ideolohiyang komunismo at sosyalismo ng CPP-NPA. Malinaw ang aral sa mga karanasan ng nagdaang tatlong dekada. Masahol pa ito bilang solusyon sa sakit ng kahirapan at inhustisya na nais nitong lunasan. Sa halip na sagana, lalong pagkagutom at pagka-atrasado ang dinanas ng mga bayang napailalim sa komunistang estado. Nariyan ang mapait na kaso ng mga bayan sa dating Unyong Sobyet at Silangang Europa. Dito, laganap ang katiwalian, pagsupil sa karapatang pantao, mga panlilinlang, abuso at nepotismo.

Walang malusog na ekonomiya at pribadong negosyo ang umiral. Kontrolado ng partido komunista ang ekonomiya, media, kultura at pulitika. Marahas na sinusupil ang mga kritiko at kalayaang sibil ng mamamayan. Dalawang simbolo ang sumasagisag sa mapanupil, malupit at marahas na paghahari ng komunismo: ang Gulag archipelago sa Rusya at ang Cultural Revolution sa Tsina.

Kasunod ng People Power sa EDSA nuong 1986 ang paggiba sa paghahari ng komunismo sa Europa ng kanilang mga mamamayan. Ibinalik ang mas malayang lehislatura, eleksyon at mga demokratikong karapatan. Dahil dito, sumigla ang ekonomiya at nabuhay ang mga pribadong negosyo sa rehiyon.

Tanging ang Pilipinas at Nepal na lamang ang mga bayang may armadong komunistang rebelyon. Ang mga dating rebolusyonaryong kilusan ay namulat na sa mas mabisang paraan ng payapa at demokratikong paraan ng pagbabago.

Ligal na ang partido komunista sa Pilipinas dahil sa ‘repeal’ ng Anti-Subversion Law noong 1986. Ganunpaman, iginigiit pa rin ng CPP ang armado at marahas na paraan. Dahilan sa mga pagbabago sa pananaw at taktika, nagkawatak-watak ngayon ang kilusang komunista. Ang pinakamalakas at pinakamabangis sa lahat ay ang pakyon ni Sison, Rosal, mag-asawang Tiamzon at Satur Ocampo. Sila ang may control at naghahari sa New People’s Army at NDF.

Pumangalawa ang grupong RPP-ABB nina Nilo dela Cruz at Arturo Tabara na nakabase sa Negros at Panay. Nakipagkasundo sila sa gobyerno na “tugunan ang ugat ng kahirapan at rebelyon”.

Pumangatlo ang grupong Rebolusyonaryong Hukbong Bayan (RHB) na nasa Central Luzon, at mahigpit na karibal ng NPA sa rehiyon.

Pumang-apat ang grupong Sanlakas at BMP na nakabase sa National Capital Region. Ang pangkat na ito ay binuo ng pinaslang na si Ka Popoy Lagman na dating kasapi sa NCR CPP Regional Committee na buong-buong kumalas sa grupong Sison. Aktibo ito sa maraming hayag at legal na protesta at paglulunsad ng welga.

Ang panghuli ang AKBAYAN nina Eta Rosales, Walden Bello at Ric Reyes na tumatahak sa legal na pakikibaka.

2) Ano ang New People’s Army?


Itinatag noong Marso 29, 1969 ang New People’s Army ng pangkat ni Bernabe Buscayno alyas Kumander Dante na humiwalay sa HMB o dating mga HUK. Sila’y sumanib sa CPP ni Sison.

Ang NPA ay ang pangunahing organisasyon ng CPP. Ito ang pangtapat sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP). Ang marahas na pag-agaw ng kapangyarihan ang saligang stratehiya ng CPP-NPA.

Tinitiyak ng CPP ang hawak nito sa NPA sa pamamagitan ng partido at komisyong military na nagpapasunod sa NPA sa anumang iutos ng CPP. Sa loob ng 34 na taon, lumakas ang NPA hanggang sa rurok nito sa 25,000 armadong gerilyaq na nakakalat sa buong kapuluan. Humina ito ngayon sa 7,000 at nakakonsentra sa ilang probinsya.

Nilulunsad ng CPP-NPA ang estratehiyang kubkubin ang kalunsuran mula sa kanayunan sa pamamagitan ng matagalang digmaang bayan.

Ang mga gerilya ng NPA ay humahabilo at namumugad sa mga taong baryo na nagsisilbing panangga nila sa mga salakay ng AFP. Dinadamay nila ang mga bata upang humawak ng armas, maging kuryer o maniktik. Upang makalikom ng pondo, nagsasagaw sila ng krimen tulad ng Wakaoji kidnapping, hold-up sa mga banko at money changer, carnapping, pamemeke ng dolyar, iligal na logging, pagtatanim at pagtutulak ng marijuana na mula sa Mt. Province at iba pa. Inamin ito mismo ni Kintanar, ang dating hepe ng NPA na pinaslang din ng nasabing grupo nang kumalas na siya dito.

Totoo din na sinusuportahan ang NPA ng mga dayuhan. Nagpadala pa ang CPP ng delegasyon sa Tsina sa pamumuno nina Ibarra Tabionosa at Mario Miclat para ayusin ang padalang armas ng Tsina. Halimbawa nito’y ang MV Karagatan na nabisto at napigilan ng gubyerno nang ito’y dumaong sa Palawan, Isabela na karga ang mga armasnoong July 1972. Gayundin ang nangyari sa MV Dona Andrea II lumubog sa La Union noong 1974. Sa katunayan, maraming NPA ang ipinadala sa North Korea para magtreyning.

3) Ano ang National Democratic Front?

Kung NPA ang instrument ng dahas, ang National Democratic Front naman ang instrument ng CPP upang mapasok at mamanipula ang samahan ng mga sector. Itinatag ng CPP noong Nobyembre 1973 ang NDF na siyang nakatuon para akitin ang iba’t-ibang pwersang pulitikal, personahe, samahang sektoral, relihiyoso at propesyonal sa isang hanay, sa isang malawak na programa at sa ilalim ng pamumuno ng CPP.

Ang NDF , ayon sa plano ng CPP, ang magsisilbing binhi para sa pagtatayo ng pamahalaang koalisyon na hahalili sa demokratikong pamahalaan. Makikita ang control ng CPP sa NDF sa pamamagitan ng mga mayoryang samahang kabilang dito. Bukod sa CPP ay ang nilikha nitong samahan ng Kabataang Makabayan, Christians for National Liberation, at Malayang Kilusan ng Kababaihan (MAKIBAKA). May mga sangay ng CPP sa mga samahang ito na nagpapaandar ng buong organisasyon. Bukod pa, ang CPP lamang ang may sariling hukbo. Kayat walang ibang pwersa ang NDF kundi ang CPP-NPA lamang.

Gayunman, sa pamamagitan ng NDF, nagkakaroon ng malawak na lambat ng suportang pulitikal ang CPP at ang armadong paglaban ng NPA. Nakakapagtayo ito ng mga ligal at hayag na mga pampulitikang organisasyon ng iba’t-ibang uri at sektor at nakapaglunsad ito ng propaganda laban sa goberno at AFP na siyang nagpapahina rito.

4) Ano ang silbi ng mga “front organizations” ng CPP?

Sa unang yugto pa lamang, nakapagpalakas na ang CPP-NPA mula sa mga narerekruta na mga aktibistang kabataan at istudyante mula sa KM, SDK, LAKASDIWA, NUSP, at CEGP. Ginagamit nila ang mga hayag at ligal na organisasyon at institusyon bilang daluyan ng propaganda na kontra sa gobyerno at umaayon sa armadong rebolusyon. Sa pananaw at propaganda ng NDF, walang ginagawa at magagawang mabuti ang gobyerno. Ito ay laging inutil, tiwali at bulok kaya’t dapat wasakin at ibagsak. Sa kabilang dako, ipinipinta ng CPP-NPA ang sarili nila bilang laging mabuti, busilak at bayani ng masa. Para sa kanila, dapat laging itaguyod, ipagtanggol at palawakin itong nakapanloloko nilang imahe.

Sa mga organisasyon ng NDF nagbuo ng Core Group (CG) o grupong ubod na pinamumunuan ng isang sangay ng Partido. Ang CG ang tunay na namumuno sa ‘front organization’ at hindi ang mga hayag na lider nito. Kadalasan, hindi alam ng mga ordinaryong kasapi ang CG. Tanging ang mga pinaka-aktibo o pinakamasugid sa mga pagkilos at programa ng CPP-NPA ang kinukuhang kasapi ng CG.

Ang mga organisasyong sektoral naman ay nasa ilalim ng mga asanihan ng Partido. Halimbawa, ang kawanihan ng manggagawa o kawanihan ng kabataang-istudyante. Ito ang bumubuo sa lihim na grupo at samahan na naglulunsad ng mga demonstrasyon at iba pang militanteng pagkilos.

Upang higit na lumawak ang pwersang napapakilos, ang CPP o ang mga hayag na organisasyon ay nagbubuo ng mga alyansa. Ito ay batay sa panandalian o isahang isyu lamang at sa ibang kaso naman ay pangmatagalan. Halimbawa nito ang mga alyansa laban sa pagtaas ng presyo ng langis o PPA. Nakikiisa sila sa iba’t-ibang institusyon, samahan, at kilusan, hanggang buong-buong lamunin ng CPP at ng mga alagad nitong samahan ang mga ito. Ganito ang nabunyag sa United Church for Christ of the Philippines kung saan ang grupo ng Partido at maka-kaliwa ang namimili kung sinu-sino ang mamumuno sa institusyon at anong patakaran at programa ang ipapatupad.

Ang mga front organizations ay madaling magkaisa at magsama-sama dahil sa CPP lamang ito kumukuha at tumatanggap ng gabay at tagubilin. Sila ang mga sumusunod: Kilusang Mayo Uno (KMU) para sa mga manggagawa; Kilusang Magbubukid sa Pilipinas (KMP) para sa mga magsasaka; League of Filipino Students (LFS) para sa mga mag-aaral na siyang may control ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) at College Editor’s Guild of the Philippines (CEGP). Kabataan para sa Pambansang Demokrasya (KPD) para sa mga kabataan sa komunidad; Gabriela para sa kababaihan; PAMALAKAYA para sa mga mangingisda; PISTON para sa mga drayber; COURAGE para sa mga kawani ng gobyerno.

Malaking tulong ang mga front organizations sa pagpapalakas ng CPP sa propaganda laban sa gobyerno. Lahat ng problema ng mamamayan at lahat ng negatibong nangyayari sa bansa ay lagging isinisisi sa gobyerno. Pinakikilos nila ang iba’t-ibang sektor na hilingin ang lahat sa pamahalaan. Sinusunggaban nila ang lahat ng pagkakataon sa midya para batikusin ang pangulo. Sa gayon, nais nilang mawalan ng tiwala, mapoot ang mamamayan sa demokratikong pamahalaan at mabigyan ng batayan para maibagsak ito.

Hindi lang salapi, tauhan, suportang materyal at pulitikal ang naaambag ng mga front organizations ng CPP sa armadong paglaban, naglulunsad din ito ng di-armado at pampulitikang atake laban sa AFP at PNP. Halimbawa nito’y ang grupong KARAPATAN na may sangay sa lahat ng rehiyon at nakatuon diumano sa pagtatanggol ng human rights. Dinudokumento daw nito ang mga human rights violations ng AFP at PNP ngunit kadalasa’y pinopropaganda lamang nila ito at binabaligtad ang katotohanan sa maka-NPA na paraan. Ang mga komunistang armado na napatay o nabihag sa mga enkwentro ay pinalilitaw nilang sibilyang magsasaka na minasaker daw ng mga sundalo o pulis ng gobyerno.

5) May kalayaan ba sa komunistang paghahari?

Makikita sa programa ng CPP-NPA ang layunin nitong itayo ang “Diktadura ng Proletaryado”. Sapagka’t ang CPP ay partido ng proletaryo, ibig sabihin nito, walang iba kundi ang diktadura ng CPP ang masusunod.

Ang isang idibidwal ay mabuting mamamayan kung sunod-sunuran siya sa mg utos ng CPP-NPA. Sa sandaling di na siya sumang-ayon sa utos ng partido, siya ay magiging “kaaway ng rebolusyon” o “kontra rebolusyon”. Madalas na walang batayan ang bansag na ito. Pawang si Sison at iilang lider ng CPP-NPA lamang ang nagpapasya kung ang isang idibidwal ay kaibigan o kaaway nila.

Mabigat ang parusa sa kaaway ng rebolusyon. Malimit na kapalit nito ang parusang kamatayan. Isang halimbawa ang Digos massacre sa Davao kung saan sa ilalim ng pamumuno ni Ka Benzar, pinagpapapatay ng NPA ang 40 bata’t matanda na kabilang sa anti-komunistang United Christian Church.

Pati ang mga kasama nila sa kilusan na umayaw na at tumututol sa CPP-NPA ay pinarurusahan din. Masasabing wala halos pinagkaiba sa sindikatong Mafia ang CPP-NPA. Hindi sila tumatanggap ng anumang batikos, lalong-lalo na kung galing ito sa mga dating lider o kasapi nila. Para sa pangkating Sison-Tiamzon-Ocampo, kanilang pinaniniwalaan na sila lang ang tanging tama, tanging tagapagtanggol ng masa at tanging bayani ng rebolusyon. Binabansagan nilang mga taksil, opotunista, ahente o alipures ng mga reaksyonaryo ang mga tumututol sa kanila. Ang pataksil na pagpatay sa mga dating kasama na humiwalay tulad nina Ka Hector Mabilangan, Father Balweg, Popoy Lagman at Rolly Kintanar ay ilang halimbawa ng karahasan ng CPP-NPA.

Walang human rights o karapatang pantao sa loob ng CPP-NPA. Sa mga akusado, hindi pantay ang paglilitis. Hindi malayang maipagtatanggol ng akusado ang sarili niya. Walang itinatakdang abogado para sa kanya at wala ring malinaw na proseso ng pagkakahati ng poder at trabaho ng paghuhukom. Sa ilalim ng “hukumang bayan” ng CPP-NPA, ang partido ang ‘complainant, judge, jury at excutioner’. Ang partido ang magrereklamo, ang partido ang maglilitis, at ang partido ang magpapatupad ng desisyon.

Maski sa loob ng partido, walang kalayaan ang mga kadre’t kasapi na hindi malapit kina Sison at Tiamzon. Lalo na matapos ibagsak ang diktadurang Marcos nuong 1980s, lumaganap and debate sa loob ng CPP at pagtuligsa sa liderato. Kasunod nito ay ang kampanya laban sa mga “Deep Penetration Agents” o DPAs daw sa loob ng CPP.

Maraming kadre’t kasapi ang tinortyor, ibinilanggo sa di makataong kondisyon. Sila’y walang pakundangang pinatay at binaon sa mga “mass graves”. Ayon kay Rodolfo Salas, dating puno ng CPP-NPA, mahigit sa 2,000 na mga kadre at kasapi ang pinatay ng CPP-NPA sa marahas nitong kampanya. Mahigit 500 ang binuwal sa Operation Missing Link (OPL) at Olympia sa Southern Tagalog at NCR; mahigit 1,000 sa kampanyang Ahos at Anaconda sa Mindanao. Sa librong “To suffer Thy Comrade” idinitalye ni Bobby Garcia ang kanyang pinagdaanang karahasan sa OPL.

6) Ano ang “Rebolusyonaryong Pagbubuwis”?

Ang “rebolusyonaryong pagbubuwis” ay paraan ng CPP-NPA upang lumikom ng pondo. Ayon sa kanila ito daw ay para sa pagsulong ng armadong rebolusyon at pagtatanggol sa masa. Pero ang katotohanan ay simpleng pangingikil at pangongotong lamang ito. Pinagbubuwis ng CPP ang mga negosyante at kontratista batay sa kanilang nais at hindi sa kita o tubo ng negosyo. Maging ordinaryong magsasaka ay nagbibigay ng buwis sa pamamagitan ng pagpapakain, sigarilyo, damit, gamit, ng sasakyan o kasangkapan. Maski ang mga kumakandidato ay pinapatawan ng bayarin para sa “permit to campaign”.

Hindi ito maituturing na pagbubuwis. Ang buwis ay may katapat na serbisyo. Wala namang ibinibigay na serbisyo ang CPP-NPA. Pawang pananakot at actual na terorismo at pagsira ng ari-arian ang gawi ng CPP-NPA. Sa isang probinsya lamang sa Southern Tagalog, nakakakolekta ang CPP ng aabot sa 3 milyong piso kada buwan. Hindi napupunta ito sa gamot, edukasyon, o imprastraktura ng mamamayan o negosyante. Sa halip, ito’y napupunta at nagagasta para sa marangyang pamumuhay ng iilang kadreng opisyal ng CPP kasama ang mga turistang rebolusyonaryo sa Netherlands sa pamumuno ni Sison.

Ang pwersahang pangongotong ng CPP-NPA ay patunay ng kanilang teroristang katangian at kawalan ng suporta ng mamamayan. Sinusunog nila ang mga bus kapag hindi nagbigay o kulang ang “buwis”. Pinasasabog nila ang mga tore ng kuryente, komunikasyon at kasangkapan ng mga kumpanyang pumalya ng bayad sa buwis. Bale-wala sa kanila ang perwisyong dinudulot nila sa mamamayan. Ang mahalaga ay ang makapangikil sila.

Kinakaltasan ng CPP-NPA maski ang ordinaryong masa. Hindi rin nakakatakas dito ang mga oportunista at takot na local na opisyal. Dagdag pa rito, upang kanilang mapalaki ang kita nila, sila na rin ang nagpapaandar o nagbubuwis pati na sa mga iligal na negosyo tulad ng illegal logging, pgdodroga o drug trafficking, jueteng at pagtatanim ng marijuana. Dapat tuloy nating tanungin: “Bakit maagap at malupit ang CPP-NPA sa pagparusa sa mga di-nagpapakotong na mga ligal na negosyante? Bakit malambot ang puso nito sa mga pusher, drug lords, illegal loggers at gambling lords?

7) Ano ang parliamentong pakikibaka ng CPP?

Sa madaling salita, ginagamit ng CPP ang demokrasya para wasakin ang demokrasya. Ito ang parliamentaryong pakikibaka ng CPP na gumagamit ng mga institusyon at proseso ng gobyerno para labanan, pahinain at paglao’y pabagsakin nito ang pamahalaan. Nang matalo ang Partido ng Bayan, itinatag ng CPP ang partidong Bayan Muna upang lumahok sa eleksyon at makaupo bilang Party list representative.

Hindi katulad ng partidong pulitikal, ang paglahok ng CPP sa eleksyon sa pamamagitan ng Bayan Muna ay taktika lamang para isulong ang istratehiya nito sa marahas na pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika. Tulad ng ipinamalas ng tatlong kongresista ng Bayan Muna na pinamumunuan ni Satur Ocampo, dating myembro ng Komite Sentral ng CPP at tagapagsalita ng NDF. Ginagamit nila ang kongreso at ang pampublikong pondo para sa walang patlang na pagbatikos saq gubyerno at pagtatanggol sa komunistang kilusan.

Lumalahok din ang Bayan Muna sa eleksyon ng Barangay para bigyan ng ligal na mascara ang mga pagkontrol ng CPP-NPA sa mga barangays. Inaakit nila ang ibang mga pulitiko at partidong pulitikal, lalo na ang oposisyon, laban sa gobyerno. Sinasagkaan nila ang mga anti-teroristang batas at patakaran. Iwinawasiwas nila ang kanilang pampulitikang awtoridad para gipitin o pigilin ang AFP at PNP sa pagdaraos ng mga kampanyang anti-terorismo. Makikita ito sa pagdaraos ng imbestigasyon ng Kongreso sa mga gawa-gawang abuso ng AFP at PNP. Malaki ang kalamangan nila sa eleksyon dahil tumatayong pribadong hukbo ng Bayan Muna ang NPA.

8) Ano ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at CPP-NPA-NDF?

Sinimulan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at CPP-NDF noong 1986. Napuwersang pumasok sa usapan ang CPP-NDF dahil nawalan ito ng mahalagang batayan upang ituloy ang armadong paglaban sa panunumbalik ng demokrasya, sa pagpapalaya sa mga bihag na komunistang lider kabilang si Jose Maria Sison, at sa pagwawalang-bisa ng Anti-Subversion Law. Gayun pa man, kasabay ng usapan, naglunsad ang CPP-NPA ng mga pagpapasabog ng tulay at tore ng kuryente, mga asasinasyon at mga Kriminal na Gawain. Layunin sana nitong lisanin ng gobyerno ang usapan, magmukhang mabait ang NDF at magmukhang ang gobyerno ang ng gyera. Sa gayon, may katwiran na namang ipagpatuloy ng CPP ang ideolohiya nilang nakabatay sa marahas na rebolusyon.

Sa loob ng 17 taon, ganito lamang parati ang nagaganap sa usapang pangkapayapaan. Ginamit lang na taktika ng CPP-NPA-NDF ang usapan para makapagpalakas ng pampulitikang layunin at pwersang militar nito, para higit pang makapiga ng konsesyon sa GRP tulad ng pagpapalaya sa mga nadakip na lider ng CPP-NPA. Nitong huli, nagdesisyon si Pangulong Arroyo na suspendihin ang usapan sa harap ng sunod-sunod na pagpatay ng NPA kina Kongresista Aguinaldo at Punzalan, at sa mga sibilyang opisyal ng gobyerno. Nag-mungkahi si Pangulong Gloria ng mga hakbang para tugunan ang mga ugat ng rebelyon na hindi lalabag sa konstitusyon. Kahit hindi pa ito nababasa, tinanggihan na ang mungkahing ito ng CPP-NDF.

9) Maituturing bang terorista ang CPP-NPA-NDF?

Binabansagang terorista ang mga grupo ng taong gumagamit ng dahas at pananakot upang makamit ang kanilang mga layuning pampulitikal na kadalasa’y makasarili at di makatao. Ganito mismo ang pamamaraang gamit ng CPP-NPA. Ang kanilang hilig sa paggamit ng dahas ay bumibiktima, hindi lamang sa armadong yunit ng gobyerno, kundi mismo sa mga ordinaryong mamamayan kung saan mas marami na ang kanilang napatay, nasugatan, natortyor at nasabotahe.

Habang nananawagan ng kapayapaan ang mga front organizations nito, inuutusan naman ni Joma Sison ang CPP-NPA na paigtingin ang asasinasyon, pambobomba, pananabotahe, at paninira ng NPA. Hindi na ang police at military ang kanilang pangunahing target kundi ang ekonomiya. Makikita ito sa mga binobomba ng CPP-NPA tulad na lamang ng mga tore ng kuryente, komunikasyon, transportasyon at tulay. Bukod pa rito’y nagongotong din sila. Patunay ito na ang layunin ng CPP ay ang pigilin ang pag-unlad ng kanayunan at guluhin ang bayan.
Sa ibang bahagi ng kanayunan, lalo na sa mga liblib na lugar, naghahari ang NPA sa pamamagitan ng dahas at pananakot. Madalas at di makatao ang pagpatay ng CPP-NPA sa mga local na opisyal pati na rin sa mga ordinaryong mamamayan. Ayon pa nga sa ilang kumander ng NPA, sina Joma Sison ang mastermind ng pambobomba sa Plaza Miranda noong 1971.

Lumitaw din ang ugnayan ng CPP-NPA sa mga pandaigdigang terorista. Sa pamamagitan ng mga organisasyon, nakikipagtulungan at nakakalikom ng pondo ito sa mga dayuhang terorista. Noong Oktubre 2002, tumungo si Krispin Beltran ng Bayan Muna sa Iraq upang sumanib sa International Solidarity for Peace, alyansang binuo ni Saddam Hussein para kontrahin ang gyerang magdidis-arma sa kanyang rehimen ng mga mapamuksang sandata. Matapos makakuha ng pondo, sinimulan ng mga maka-komunistang grupo ang kampanyang anti-US at anti-war. Dahil sa pagmamando ng mga anti-US rali sa tulong ng mga front organizations ng CPP, napatalsik ang konsul ng Iraq sa Pilipinas. Dagdag pa rito, inamin mismo ng MILF at NPA na mayroon silang taktikal na kooperasyon. Ang treyning at sandata ng Abu Sayyaf at ng MILF ay pinaniniwalaang mula sa Al Qaeda ni Bin Laden at Saddam Hussein ng Iraq.

10) Ano ang idinulot ng rebelyon ng CPP-NPA?

Nagmistulang bangungot sa sambayanang Pilipino ang 39-taong rebelyon ng CPP-NPA. Daang libo na ang nasawi at nasugatan sa walang saysay na digmaan ng Pilipino laban sa Pilipino, ng mga pulis o military laban sa CPP-NPA. Maliban pa rito ang mga nasirang buhay, trabaho, pamilya at ari-arian. Dagdag dito ang higit na pinsalang dulot ng komunistang rebelyon sa pambansang ekonomiya.

Patuloy na sinasabotahe ng CPP-NPA-NDF ang mga proyektong pangkaunlaran ng pamahalaan at ang pagpasok ng puhunan sa kanayunan. Pinalulubha ng rebelyon ang pagka-atrasado ng bayan, laganap na kahirapan at kawalan ng hanapbuhay. Sinusuportahan pa ng KMU ang pagbagsak ng ekonomiya sa pamamagitan ng walang kadahilanang mga welga na nakadisenyo para matakot ang mga mamumuhunan sa ideolohiya nitong pinag-aaway ang mga kapitalista at manggagawa.

Kung magugunita, ang Pilipinas noon ang pumapangalawa sa Japan sa industriyalisadong bayan sa Asya matapos magupo ang komunistang rebelyon ng mga Huk noong huling bahagi ng dekada 50. Bunga nito, makikitang napakahalaga ng kapayapaan at pagtutulungan sa pag-unlad ng bayan. Ang pagkalat ng ideolohiyang walang diyos na nakabatay sa poot ng CPP ay tumagos sa kalakarang panlipunan - sa pulitika, ekonomiya at kultura.

Sa halip na araro, binhi at traktora ang hawak ng magsasaka, inuudyok ng CPP na humawak ito ng armas. Sa halip na humawak ng makinarya at tumuklas ng modernong teknolohiya ang mga manggagawa ay nagwewelga at nagpopropaganda ang mga ito, at sa halip na mapaunlad ng mga estudyante ang kanilang kaalaman, napagtutuunan nito ang pagpinta sa pader at pag-iingay sa mga demonstrasyon. Sa halip na mapunta ang enerhiya sa produksyon at pagbubuo, nauubos ang pawis at dugo sa alitan at hidwaan. Kaya’t sa halip na umunlad, nananatiling atrasado at lumalalim ang hidwaan sa lipunang Pilipino.

11) Ano ang dapat gawin ng mamamayan?

Ang CPP-NPA-NDF ay kailangang masugpo. Ito ay parang kanser sa lipunan na unti-unting lumalaganap at bumubulok sa kalamnan ng bansa. Napatunayan ng kasaysayan na ang komunistang rebelyon ay hindi mapapawi kung iaasa lamang sa gobyerno, pulis at military sapagkat ito’y usaping pampulitika at panlipunan din. Kaya’t kailangang pakilusin, imulat at organisahin natin ang buong sambayanang Pilipino laban sa CPP-NPA-NDF.

Ating ilantad at tutulan ang mga aktibidad ng CPP-NPA-NDF at ng mga ligal na front organizations nito sa lahat ng pagkakataon sapagkat layunin lamang nilang lokohin at iligaw ang mamamayang Pilipino.

Ilantad natin ang kanilang layuning pag-awayin tayo at pahinain nang sa gayon ay hindi tayo malamon ng kanilang ideoloheya. Ginagamit lamang nila ang mga isyung tulad ng PPA, pagtaas ng presyo ng langis, Balikatan para mabunton ang sisi sa gobyerno at mabigyang katwiran ang ipinaglalaban nila.
Magkaisa tayo at sikapin nating magbuo ng mga organisasyon sa mga barangay kaisa ang iba’t-ibang sektor na tumututol sa komunismo. Agaran nating ilantad at biguin ang mga maniobra at di mapagkakatiwalaang proyekto ng kanilang ligal at hayag na alagad tulad ng Bayan Muna, League of Filipino Students, Anakbayan, Gabriela at KMU. Huwag natin silang hayaang makapasok sa ating barangays, pagawaan, eskwelahan at mga samahan.

Kumbinsihin natin at tulungang makapagpanibagong buhay ang ating mga kakilala, kamag-anak o kaibigang kasapi sa komunistang kilusan. Sabihin natin ang katotohanang hindi interes ng sambayanan ang ipinaglalaban at inaalayan nila ng kanilang buhay kundi interes ng iilan na nais maghari sa pamamagitan ng dahas. Kung talagang nasa puso natin ang bayan, magbuo tayo kaysa manira at magtulungan sa halip na magpatayan.

Makakahango tayo ng aral sa mga Lumad ng Davao. Dahil sa kanilang pagkakaisa, organisadong mamamayan, tuon sa pag-unlad ng kanilang kabuhayan at determinasyon, kanilang naitakwil ang CPP-NPA at mga galamay nito. Sa Bikol, lahat ng pandarahas ng CPP-NPA ay tinatapatan ng mga kilos-protesta ng mamamayan.

Ang MAMAMAYANG AYAW SA KOMUNISTA (MAK) ay naglulunsad ng malawakang pagmumulat ng mamamayan sa kasamaan ng komunismo at sa di makataong katiwalian ng CPP-NPA-NDF. Kailanman, huwag nating hayaang magwagi ang pwersa ng kasamaan.

MAMAMAYANG AYAW SA KOMUNISTA (MAK)







1 comment:

satur killowa said...

to all my country men pls support the anticommunisim we must take them down before they will take us down resist the poisoning of the communist and rise to democratic system visit this website http://www.downthecom21.webs.com and and unite our self to figth againts the reds see you there and register to show that the reds are not dominating in our country